Ikinalugod ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang mas mataas na bilang ng mga person deprived of liberty (PDLs) na nakaboto ngayong araw sa Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City para sa Barangay at SK Elections 2023.
Pinangunahan nina Garcia at BuCor Chief Gregorio Catapang Jr., ang inspeksyon para sa mga detainees na bumoto ngayong araw sa BuCor.
Ayon kay Garcia, 880 na inmates ang nakarehistro sa Barangay Poblacion sa Muntinlupa na pinayagang makaboto ngayong BSKE.
Mas mataas aniya ito kung ikukumpara sa mga nagdaang halalan at sa pagkakataong ito ay pinayagan ang mga detainees na makaboto sa lokal na posisyon hindi tulad noon na hanggang national lang ang pwede nilang iboto.
Paglilinaw pa ni Garcia, ang mga PDLs na pinayagang makalabas ng detensyon para makaboto ay iyong mga wala pang conviction o hatol ng korte at ang mga kaso ay naka-appeal o dinidinig pa.
Habang bumoboto ang mga PDLs ay mayroon namang mga prison officials ang nakabantay.
Giit pa ni Garcia, ang mga inmates na ito ay mga registered voters, sila ay mga Pilipino at may karapatan ding bumoto tulad ng ibang mga Pilipino.
Nagsimula ang botohan ng mga PDLs sa BuCor kaninang alas sais ng umaga at nagtapos kaninang alas dos ng hapon dahil ang mga balota ay ibabalik pa sa mga kanya-kanyang presinto kung saan registered voters ang mga PDLS.
Sa kabuuan ay mayroong 51,000 PDLs sa buong bansa.