Bilang ng mga Pilipinong mahirap, posibleng madagdagan pa sa 2021!

Mas lalala ang antas ng kahirapan sa bansa sa susunod na taon.

Ito ang pahayag ng Ibon Foundation matapos aminin ng National Economic and Development Authority (NEDA) na maaaring hindi nito makamit ang target na maibaba sa 14% ang antas ng kahirapan sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, kung tutuusin ay masyado pang mababa ang target na ito ng NEDA.


Tingin niya, lalong madaragdaragan ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino sa 2021 dahil na rin sa kawalan ng trabaho at kakaunting ayuda para sa mga naapektuhan ng pandemya.

“Yung trabaho at pagbibigay ng subsidiyo, parehong lalala sa 2021. Bagsak na bagsak na ang ekonomiya, siguradong lalong madaragdagan ang mahihirap sa 2021 kasi nga konti lang ang ibibigay na ayuda at may problema pa tayo sa joblessness natin,” ani Africa.

Giit pa ni Africa, hindi totoo na walang pera ang pamahalaan.

Aniya, malaki ang budget at dapat lang itong gamitin sa tama.

Apela ng grupo sa gobyerno, bigyan ng suporta ang maliliit na negosyo, para makabalik din sa paghahanapbuhay ang mga manggagawa.

Maraming Pilipino, walang trabaho, nagugutom. Kung hindi yon harapin ngayon nang maagap ng pamahalaan, pagdating 2021 marami sa mga negosyo sarado pa rin sila. Para sa amin, kung hindi tutulungan yung maliliit na negosyante natin, hindi mabibigyan ng dagdag na ayuda ang mahihirap na pilipino, mahirap sabihin na nagre-recover tayo,” pahayag ni Africa sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments