Tinukoy ni Senator Risa Hontiveros sa deliberasyon ng ₱5.268 trillion na 2023 national budget ang malaking bilang ng ibinaba sa mga Pilipinong may ipon.
Batay aniya sa Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa pagitan ng 2019 hanggang 2021 ay bumaba sa 37% ang mga bilang ng mga Pilipinong may ipon mula sa dating 53% o 9.7 million na mga Pilipino ang nasimot ang mga ipon sa panahon ng pandemya.
Iginiit ni Hontiveros na ang gobyerno ang dapat na magsalba sa mga Pilipinong patuloy na naghihikahos habang bumabangon ang bansa at ang ekonomiya.
Hirit ng senadora na magsilbing “lifesaver” dapat ang pambansang pondo ng susunod na taon habang naghihintay tayo sa economic recovery matapos ang naging epekto ng COVID-19 pandemic.
Nais sana ni Hontiveros na maramdaman din ng mga Pilipinong nawalan ng ipon ang epekto ng ipinagmamalaki ng pamahalaan na pagtaas sa gross domestic product (GDP).
Bagama’t mayroong subsidiya na ibinibigay ang pamahalaan sa iba’t ibang sektor ay kinalampag ni Hontiveros ang gobyerno partikular ang mga economic managers na maglatag ng mga hakbang sa 2023 budget na makakabawas sa epekto ng pagtaas ng presyo at gastusin sa pagkain, pamasahe, kuryente at upa.
Hirit din ng senadora ang dagdag sa sahod ng mga manggagawa upang makaagapay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.