Ayon sa pinakahuling datos ng PSA noong 2024, nasa 371, 825 lamang ang mga rehistradong kasal kumpara noong 2023 na umabot sa 414, 213.
Sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga magkasintahang nais magpakasal, ilang aspeto umano ang dahilan kung bakit humahantong sila sa ganitong desisyon.
Posible umanong dulot ito ng pagbabago sa pamumuhay at pananaw ng mga nagsasama.
Ang iba naman, wala pa umanong sapat na pondo para makapagpakasal dahil mas inuuna ang pangangailangan ng mga nabuong supling kaya nananatiling magkasama muna sa iisang bahay kahit walang marriage certificate ang kanilang pinanghahawakan.
Sa kabila nito, patuloy naman ang panghihikayat ng Simbahang Katolika at ng mga lokal na pamahalaan sa kahalagahan ng pagpapakasal at saklaw nito bilang patunay sa legal na pagsasama ng dalawang nagmamahalan.
Samantala, tuwing kapistahan sa mga bayan at lungsod ay may mga inilulunsad na libreng kasalang bayan para sa mga nais ikasal at gawing legal ang kanilang pagsasama sa tulong ng lokal na pamahalaan.








