Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa, bumaba noong Nobyembre 2023

Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa noong Nobyembre 2023.

Batay sa resulta ng inilabas na labor force survey ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 3.6 percent ang unemployment rate noong buwan ng Nobyembre na mas mababa kumpara sa 4.2 percent rate na iniulat noong Oktubre 2023.

Katumbas ito ng 1.83 milyong walang trabahong manggagawang Pilipino edad kinse anyos pataas mula sa 51.47 million Pinoy na nasa labor force.


Mas mababa ito sa naitalang 2.09 milyon noong Oktubre at mas mababa rin ng 350,000 kumpara sa 2.18 million jobless persons noong November 2022.

Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ibig sabihin nito, 36 katao na lang mula sa 1,000 indibidwal ang walang trabaho o kabuhayan noong Nobyembre.

Ito na ang pinakamababang unemployment rate na naitala sa Pilipinas simula noong 2005 o sa loob ng halos labing siyam na taon.

Samantala, mas dumami naman ang mga Pilipinong underemployed o yung mga Pinoy na nagnanais ng karagdagang kita o trabaho noong Nobyembre.

Mayroong 5.79 milyong underemployed sa buwang iyon na mas mataas sa 5.6 milyon noong Oktubre.

Facebook Comments