Planong bawasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang bilang ng mga police general.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na inirekomenda niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mula sa mahigit 130 heneral ay ibababa ito sa 25 na lamang.
Ayon kay Remulla, nakikita nilang dahilan ang redundancy o maraming mga posisyon ay nauulit lamang.
Kung aalisin aniya ang mga ito ay magiging mas matatag ang structure sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil marami sa mga area police commands ang wala namang mga hawak na tao.
Dagdag pa ni Remulla, 32 taon na ang Republic Act No. 6975 o ang batas na nagtatatag sa Pambansang Pulisya at kailangan na ulit itong silipin.
Ang reporma sa PNP ang isa sa mga tututukan ng DILG.
Nilinaw naman ni Remulla na hindi pa ito pinal at rekomendasyon pa lamang na hindi pa naman inaaprubahan ng pangulo.