Bilang ng mga pulis na gustong magpabakuna ng anti-COVID-19 vaccine, tumaas

Dumami ang mga pulis na payag na magpabakuna, batay sa survey na ginawa ng Philippine National Police (PNP) Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF).

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, nasa 63 porsyento ng kanilang hanay ang pabor na magpabakuna ngayon kumpara sa 51 porsyento lang nang una silang magsagawa ng survey.

Ayon kay Eleazar na ginamit nila ang computerized COVID-19 Data (CODA) Application ng PNP para isagawa ang survey kung saan nakapagbigay rin ng dahilan ang kanilang mga tauhan kung bakit nag-aalinlangan silang magpabakuna.


Karamihan aniya sa mga hindi pabor na magpabakuna ay nagsabi na nais muna nilang makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa bakuna bago magdesisyon.

Kaya naman ayon kay Eleazar, palalakasin ng PNP ang kanilang information campaign sa pamamagitan rin ng CODA application, para mabigyan ang mga pulis ng sapat na kaalaman tungkol sa pagbabakuna na makakatulong sa kanilang pagdesisyon.

Unang sinabi ni Eleazar na walang mangyayaring pilitan sa hanay ng mga pulis para magpabakuna, pero kumpiyansa siya na halos lahat ng mga pulis ang papayag din na magpabakuna kinalaunan.

Facebook Comments