Dumipensa ang Department of Transportation (DOTr) na sapat ang bilang ng mga pumapasadang public transportation para sa mga commuter.
Sa pagsalang sa budget deliberation ng DOTr, sinabi ni Appropriations Vice Chairman Micaela Violago, nasa 28,000 na ang mga jeep na pumapasada, ang modern jeep naman ay nasa 845, ang city bus ay may 4,093 units, ang provincial bus ay mayroong 286 units, habang P2P bus ay nasa 387 units.
Ang UV Express ay mayroong tumatakbong 3,300 units, 20,927 naman ang taxi at 24,356 para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Lingguhan na rin aniya ang pagbubukas ng dagdag na ruta para sa mga jeep.
Katunayan, nitong October 10, 2020, 44 na dagdag na Public Utility Jeepney (PUJ) route ang binuksan para sa 4,200 na units.
Tiniyak din ng ahensya na wala munang jeepney phaseout bagkus ay tinitiyak lamang ng DOTr ang roadworthiness ng mga jeep.
Patuloy rin ang pagbibigay ng ayuda para sa mga apektadong operator at tsuper sa pamamagitan ng pagbibigay ng P6,500 na halaga ng cash grant at service contracting na kapwa nakapaloob sa inaprubahang Bayanihan 2.