Wala pang sampung porsiyento ng target na 80,000 units ng mga pampublikong sasakyan ang mayroon nang bagong fare matrix.
Ayon kay LTFRB-NCR Regional Director Atty. Zona Tamayo, nasa 200 pa lamang din na mga public utility vehicles (PUV) sa Metro Manila ang nakapag-apply online para sa taripa.
Aniya, posibleng iniiisip ng mga PUV driver at operator na mahirap kumuha ng taripa kaya marami ang hindi pa rin nag-aapply.
“Sinasabi ho nila na pupunta sa opisina, kukuha ng fare matrix, nagtatagal daw po. Kaya nga po nag-device tayo ng proseso yung sa online natin, meron na po tayo pati online payment po yan so i-a-upload na lang po namin yung kanilang fare matrix sa kanilang account,” paliwanag ni Tamayo sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.
“Dun naman po sa on site, mabilis din naman po nilang makukuha, pipila ho, magbabayad tapos ire-release na ho. Kaya hindi ho talaga magtatagal yung pagkuha ng fare matrix,” dagdag niya.
Muli namang nagpaalala ang LTFRB na hindi pwedeng maningil ng bagong minimum fare ang mga PUV hangga’t wala silang naipapaskil na fare matrix.
Tiniyak din ni Tamayo na hindi magagaya ang kopya ng taripa dahil sa mga inilagay nilang security features.
“Per unit po yan na ating ina-upload sa ating online facility ay meron hong corresponding QR code para ma-determine po namin kung lehitimo yan o hindi,” saad ng opisyal.