Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na umaabot na sa 21,564 ang bilang ng mga repatriated Overseas Filipino Worker (OFW) na nag-negatibo sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Ang naturang resulta ay ipinapadala rin sa e-mail address ng OFW.
Ang mga kasama sa nag-negatibo sa COVID-19 test ay pinapayuhan na makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para maproseso ang kanilang pag-uwi sa kanilang mga lalawigan.
Samantala, bilang bahagi ng bagong sistema na ipinapatupad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), makakatanggap ng e-mail certification mula sa Philippine Red Cross (PRC) ang repatriated OFWs na sumailalim sa swab sample collection sa airport.
Kapag nakatanggap na sila ng e-mail certification na nagpapatunay na nag-negatibo sila sa COVID-19, kinakailangan nila itong ipagbigay-alam sa PCG o OWWA personnel sa quarantine facility para maberipika.