Umabot sa halos 300 commuters sa ilang lansangan sa Metro Manila ang sinita ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa nakaraang limang araw na pagpapatupad ng ‘No vax, No ride’ Policy.
Kasunod ito ng mga isinagawang random inspection sa ilang malalaking lansangan tulad ng Commonwealth at Aurora Avenue sa Quezon City, Alabang-Zapote Road sa Las Piñas at Taft at Rizal Avenue sa Maynila.
Ayon sa i-ACT, nakapagtala sila ng pagbaba sa bilang ng nasisita kung saan 160 ang nasita nila noong Lunes, 102 noong Martes at biglang baba ng 34 indibidwal sa dalawang magkasunod na araw habang bumagsak na lamang sa walong katao noong Biyernes.
Sinabi ni i-ACT special operations unit commander Jose Manuel Bonnevie, patunay umano ito na positibo ang naging pagtanggap ng publiko sa polisiya.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-iinspkeyon nila sa commuters kung saan isinabay na rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa nito sa mga Commission on Elections (COMELEC) checkpoints bilang pagtugon naman sa umiiral na nationwide gun ban.