Bagama’t bahagyang humina ang bagyo, halos wala pa ring pagbabago sa bilang ng mga stranded sa mga pantalan sa apat na rehiyon ng bansa.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard, hanggang kaninang alas-otso ng umaga, nasa 2,736 ang mga stranded na pasahero, driver ng truck at mga pahinante sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas at North Eastern Mindanao.
Mas mababa naman ito sa 2,752 na stranded kahapon.
Samantala, tumaas sa 49 na sasakyan pandagat ang hindi pinayagang maglayag bukod sa 1,081 na rolling cargo o mga truck na hindi rin makabiyahe.
Tumaas naman sa 67 ang mga sasakyan pandagat at 54 ang mga motor banca na nakahimpil sa iba’t ibang pier sa bansa para makaiwas sa bagyo.
Mula ito sa 56 na sasakyan pandagat at 53 na motor banca na sumilong sa mga daungan kahapon.