Ilang pasahero pa din ang stranded sa ilang mga lugar na naapektuhan ng bagyong Tisoy ayon sa Philippine Coast Guard o PCG.
Ayon kay Captain Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, batay sa pinakahuling tala kaninang alas-kwatro ng umaga ay nasa 3,330 na mga pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Central Visayas, Southern Tagalog, Western Visayas, at Bicol.
Sinabi ni Balilo na kabilang sa stranded passengers ay naitala sa Batangas, habang wala pang biyahe ang mga sasakyang-pandagat, kasama na sa mga pantalan sa Mindoro.
Gayunman, bumaba na ang bilang ng mga stranded sa mga port, kung ikukumpara noong mga nakalipas na araw.
Samantala, sinabi ni Balilo na pansamantalang suspendido pa rin ang operasyon ng nasa 789 rolling cargoes, 31 vessels at 35 motorbancas dahil sa masamang panahon. Habang 179 vessels at 253 motorbancas ang nakikisilong muna.
Sa kabila nito, sinabi ni Balilo na inaasahan na magsisimula na ring magpabiyahe sa karagatan, lalo na kung bubuti na ang panahon.