Umaabot na lamang sa 577 ang bilang ng mga pasaherong stranded sa mga pantalan dahil sa epekto ng Bagyong Dante.
Ito’y base sa inilabas na datos ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan bumababa na rin nasa 29 ang bilang ng mga pantalan na hindi pa nagbubukas bunsod na rin ng nasabing bagyo.
Ayon pa sa PCG, naapektuhan din ng Bagyong Dante ang kanilang mga tanggapan partikular ang Coast Guard District Central Visayas at Coast Guard District Southern Tagalog.
Nasa 285 na rolling cargoes, 29 na vessel at 12 motorbanca ang naitala rin ng PCG na stranded bunsod ng bagyo.
Aabot naman sa 36 na vessel at 24 na motorbanca ang pansamantalang sumilong sa ibang pantalan na hindi naapektuhan ng bagyo.
Nakamonitor pa rin ang PCG sa lagay ng panahon at sa iba pang mga pantalan habang ang Coast Guard Deployable Response Group ay umiikot na sa mga naapektuhang lugar para posibleng evacuation o rescue operation.