Bumababa na ang bilang ng mga tawag na natatanggap ng National Center For Mental Health (NCMH) mula sa mga taong nakararanas ng problema sa mental health.
Nabatid na simula noong pumutok ang COVID-19 pandemic noong 2020 ay aabot sa 10,160 tawag ang natanggap ng NCMH mula Pebrero hanggang Disyembre.
Higit doble ito sa bilang ng mga tawag na natatanggap nila noong 2019 o bago nagkaroon ng pandemya na nasa 3,991 lamang.
Habang noong 2021, nakatanggap sila ng 21,468 calls.
Pero ayon kay Dr. Sharlene Mae Ongoco, assistant program director ng NCHM-Crisis Hotline and Center for Wellness, unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga tawag na natatanggap nila simula nitong Marso.
“Itong year na po na ito, dahil medyo pahupa na po yung mga COVID-19 cases natin, napansin po namin na starting this March of this year, medyo bumababa-baba na po yung calls nan are-receive ho namin. For example, nung February, 2,079 yung calls, pagdating ng March, naging 1,800 na, April, 1600 tapos nitong last month, May, 1,475,” ani Dr. Ongoco sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
“With the data that I’ve mention earlier po, makikita natin kung gaano kalaki yung impact ng pandemic sa ating mental health,” dagdag niya.
Karamihan sa mga tumatawag ay nakararanas ng anxiety at depressive symptoms, problema sa relasyon at pamilya habang may iba na gusto lamang ng kausap.
Nasa 10% naman ng kabuuang tawag na natanggap ng NCMH noong kasagsagan ng pandemya ay mula sa mga kabataang edad 18 pababa na nakararanas ng problema sa online class.
“Others naman, they call because humihingi sila ng referral whether to a psychologist or psychiatrist. And around 10% po ng overall number of calls natin all throughout the year ay minors ‘no, usually related po naman sa academic tsaka sa school kasi ng nag-online schooling po sila for a time di ba?”
“Usually ho yung mga teenagers, yung 15, 16, 17-year-old may mga cellphone na ho yan, sila po ang tumatawag on their own. But the younger ones, usually the parents are calling in behalf of their children in the case na meron nga silang napapansin na kakaiba sa kanilang mga anak,” aniya pa.