Pumalo na sa 18.6 milyong estudyante ang nakapagpa-enroll na para sa school year 2022-2023.
Batay ito sa update ng Learner Information System (LIS) ng Department of Education (DepEd) kahapon.
Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, katumbas na ito ng sa 65% ng kanilang target na 28.6 milyong estudyante ngayong papalapit na pasukan.
Sinabi pa ni Poa na noong unang linggo pa lang nang buksan ang enrollment noong Hulyo 25, pumalo sa 10.4 milyong estudyante na ang nakapag-enroll.
Kaugnay nito ay hinihimok ng DepEd ang mga magulang na ipa-enroll na ang kanilang mga anak sa lalong madaling panahon at huwag nang hintayin ang huling araw ng enrollment.
Nakatakda naman ang unang araw ng pasukan sa August 22 na siyang huling araw din ng enrollment period.