Umakyat na sa 177 ang bilang ng nasawi dahil sa Bagyong Odette.
Batay pa sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 38 ang nawawala matapos na madagdagan ng isa.
Nananatili naman sa 275 ang bilang ng mga nasugatan.
Samantala, nasa 1,113,373 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo kung saan mahigit 400,000 pa ang nananatili sa 2,505 evacuation centers na karamihan ay nasa Visayas at Mindanao.
Umabot na rin sa 16,618 ang mga bahay na winasak ng bagyo.
Nasa ₱227,107,000 na halaga naman ng imprastraktura ang nasira ng bagyo kabilang ang ilang opisina ng gobyerno, flood control facilities, kalsada at tulay.
Napinsala rin ang 15,201 ektaryang taniman na ang danyos ay aabot sa ₱323,259,000.
Samantala, fully restored na ang signal sa 107 mula sa 135 mga bayan at lungsod sa MIMAROPA, Central at Western Visayas, CARAGA at BARMM.