BILANG NG NASAWI SA AKSIDENTE NGAYONG TAON SA CAUAYAN CITY, UMABOT SA 23

Cauayan City – Simula noong unang buwan ng Enero hanggang ngayong ika-26 ng Desyembre taong kasalukuyan, umabot na sa 23 ang bilang ng indibidwal na naitalang nasawi matapos masangkot sa aksidente sa lansangan sa lungsod ng Cauayan.

Sa Monitoring ng Bee Gee Dee Command Center kasama ang Cauayan Disaster Risk Reduction and Management Office sa Motorcycle Accident Awareness, 841 na ang bilang ng naitalang aksidente sa lansangan.

Mula sa bilang na ito, 23 indibidwal ang sa kasamaang palad ay binawian ng buhay matapos magtamo ng malalang pinsala sa kanilang katawan.


Samantala, 466 sa mga indibidwal na sangkot ang nagpositibo sa Alcohol Breath Test, habang 510 ang walang suot na helmet habang nagmamaneho.

Kung ikukumpara noong taong 2023, 802 lamang ang naitalang bilang ng aksidente sa lansangan at higit na mas mataas ang bilang ng datos ng aksidente ngayong taong 2024.

Facebook Comments