Umakyat na sa apat ang bilang ng naitalang nasawi dahil sa Bagyong Quinta ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa datos ng NDRRMC, nadagdagan ng dalawa ang naitalang patay sa may Negros Oriental kung saan isang 60-anyos na babae at isang lalaki ang nalunod dahil sa pagbaha sa Bayan ng Siaton.
Matatandaan na unang naitala ng NDRRMC ang isang namatay sa lalawigan ng Quezon at isa naman sa Cagayan Valley Region habang 12 mangingisda na lumayag sa karagatan sa Catanduanes ang nawawala na patuloy pa rin pinaghahanap.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga casualties lalo na’t patuloy na kinukumpleto ng mga Local Government Unit ang kanilang assessment sa naging pinsala ng Bagyong Quinta.
Samantala, nagdeklara na ng state of calamity ang Batangas City upang magamit na nila ang kanilang emergency funds para sa napinsala ng Bagyong Quinta.
Sinabi ni Batangas City Mayor Beverly Dimacuha na lubhang naapektuhan ang agrikultura at imprastraktura sa kanilang syudad habang ilang bahay na rin ang nasira at 300 pamilya ang inilkas.
Hiniling naman ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa provincial council na isailalim na sa state of calamity ang kanilang lalawigan para magamit na nila ang emergency funds upang makapagbigay na rin ng ayuda sa mga naapektuhan ng Bagyong Quinta.
Sinabi ni Dolor na malaki ang naiwang pinsala ng Bagyong Quinta lalo na sa sektor ng agrikultura sa Calapan City at 11 pang munisipalidad habang nasa higit 2,100 pamilya ang nawalan ng tahanan sa Oriental Mindoro.