Bilang ng nasawi sa Cholera sa bansa, umakyat na sa 32

Nagbabala ngayon ang Department of Health (DOH) kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Cholera sa bansa.

Batay sa datos ng DOH, as of September 17, 2022 ay umakyat na sa 3,681 ang bilang ng tinamaan ng Cholera sa Pilipinas.

Doble ito ng bilang na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.


Pumalo na rin sa 32 ang namatay sa nasabing sakit matapos na makapagtala ng isang panibagong nasawi.

Nalampasan na rin ng mga rehiyon ng Central Luzon, Western at Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula ang epidemic threshold na nagpapakita lang na mas dumami ang bilang ng mga tinamaan ngayon taon ng Cholera kumpara noong 2021.

Ang Cholera ay isang water-borne disease na nakukuha sa pag-inom at pagkain ng kontaminadong bacteria na nagdudulot ng diarrhea at dehydration na maaaring humantong sa pagkasawi kung hindi agad magagamot.

Sa ngayon ay 27 na bansa na sa buong mundo ang may Cholera outbreak habang sa Pilipinas ay nasa ilalim na ng state of calamity ang Iloilo City at ilang barangay sa Surallah, South Cotabato dahil sa nasabing sakit.

Facebook Comments