Sumampa na sa 31 ang bilang ng nasawi sa nasunog na passenger vessel sa Baluk-Maluk Island sa Basilan kagabi.
Sa interview ng DZXL sa tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Basilan na si Richard Falcatan, sinabi nito na labing-walo pang sunog na bangkay ang narekober ng mga rescuer sa second deck ng M/V Lady Mary Joy 3.
Kabilang sa mga nasawi ay mga bata.
Posible aniyang madagdagan pa ito dahil hindi pa napupuntahan ng mga rescuer ang ibang bahagi ng barko.
Samantala sa interview rin ng DZXL, sinabi ni Philippine Coast Guard-Zamboanga Commander Christopher Domingo, nagsimula ang apoy sa accommodation area ng barko.
Iniimbestigahan na ng PCG ang sanhi ng sunog habang inalis na ang anggulong overloading.
Wala pa namang napaulat na oil spill mula sa barko.