Tumaas sa 1.8 milyong pamilyang Pilipino ang nabiktima ng common crimes sa huling bahagi ng 2018.
Batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS na isinagawa noong Disyembre 16 hanggang 19, nasa 7.6 percent ang nabiktima ng mga krimeng gaya ng pandurukot, panloloob, carnapping at pananakit.
Mas mataas ito ng 1.5 puntos kumpara sa 6.1 percent o 1.4 na milyong pamilyang nabiktima ng krimen noong Setyembre ng 2018.
Nananatiling pinakamaraming nabibiktima ng krimen sa Metro Manila na nasa 10 percent na sinundan ng Mindanao na may 8.3 percent at Visayas na may 2.5 percent.
Lumabas rin sa survey na tumaas din ng 61 percent ang bilang ng mga Pinoy na nangangambang pasukin ng mga magnanakaw ang kanilang bahay.
Ito ay mas mataas kumpara sa 52 percent noong ikatlong bahagi ng 2018.
Bukod rito, dumami rin ang bilang ng mga nangangambang maglakad sa mga kalsada tuwing gabi na nasa 54 percent mula sa 46 percent noong Setyembre ng 2018.