Bilang ng patay sa Bagyong Quinta, umabot na sa siyam; Mindoro provinces, umapela ng tulong sa national government

Umakyat na sa siyam (9) ang kumpirmadong patay sa pananalasa ng Bagyong Quinta sa bansa.

Ito ay matapos na makapagtala ng dalawang panibagong patay sa Occidental Mindoro, maliban pa sa mga naitalang nasawi sa Negros Oriental, probinsya ng Quezon at Cagayan Valley region.

Sa interview ng RMN Manila kay Occidental Mindoro Gov. Eduardo Gadiano, mag-ina na katutubo ang naitalang nasawi matapos malunod habang tumatawid ng ilog sa bayan ng magsaysay.


Ngayong araw, nakatakdang magdeklara ng State of Calamity ang buong probinsya dahil na rin sa tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo, partikular na sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Gadiano, aapela sila ng tulong sa national government dahil naubos na ang kanilang pondo matapos gamitin sa COVID-19 pandemic.

Maging ang probinsya ng Oriental Mindoro na una nang nagdeklara ng State of Calamity ay ubos na rin ang pondo matapos gamitin sa COVID-19 response.

Sa interview ng RMN Manila kay Oriental Mindoro Gov. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, inaayos na nila ang damage report ng probinsya na ipapadala sa National Disaster Risk Reduction and Management Council upang makahingi ng tulong sa national government.

Ayon kay Dolor, dalawang bilyong piso ang napinsala sa kanilang agrikultura matapos na padapain ng bagyo ang kanilang mga pananim.

Nabatid na apat na libong pamilya mula sa 151 barangay sa Oriental Mindoro ang naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Quinta.

Facebook Comments