Bilateral agreement sa deployment ng mga OFW sa Kuwait, pinaiimbestigahan ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo sa Senado ang bilateral agreement at standard employment contract para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution 448 kung saan inaatasan ang nararapat na komite na imbestigahan ‘in aid of legislation’ ang umiiral na mga kasunduan sa deployment ng OFWs na may layuning matigil na ang mga pagmamalupit at pagpatay sa mga OFW.

Sa pag-revisit at pag-review ng Senado sa bilateral agreement sa mga OFW, maaaring irekomenda sa huli ang istriktong polisiya, preventive measures at nararapat na parusa o kaya naman ay tuluyang pag-ban sa deployment ng mga OFW sa Kuwait.


Sa paghahain ng resolusyon ay tinukoy ni Tulfo ang pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara na ginahasa, sinagasaan at sinunog saka itinapon sa isang disyerto na kagagawan ng anak ng kanyang amo.

Tinukoy rin ng senador na hindi ito ang unang pagkakataon na may kababayang OFW na pinatay sa Kuwait kung saan 2018 nang patayin ang OFW na si Joanna Demafelis at noong 2019 naman ay pinaslang at natagpuan sa freezer ng kanyang amo sa Kuwait ang bangkay ng Filipina domestic worker na si Jeanelyn Villavende.

Sa mga nasabing taon ay parehong nagkaroon ng deployment ban ng mga OFW sa Kuwait ngunit makalipas lang ng ilang buwan ay na-lift o inalis din agad ito.

Nakasaad pa sa resolusyon ang nakakaalarmang sitwasyon kung saan mula 2016, 196 Pinoy workers na ang nasawi sa Kuwait kung saan 80% ng mga namatay ay dahil sa pisikal na pang-aabuso batay sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) habang ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait ay nakapagtala naman ng 6,000 na kaso ng physical abuse, sexual harassment at rape noong 2017.

Facebook Comments