Inihain ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang house resolution 743 na nagsusulong ng pagsasagawa ng review at assessment sa bilateral labor agreements na pinasok ng Pilipinas sa ilang mga bansa.
Layunin nitong tiyakin ang proteksyon at karapatan ng mga OFW laban sa pang-aabuso at pagmaltrato gayundin sa pagtiyak na mabibigyan sila ng hustisya.
Ito ay para hindi na maulit ang masaklap na sinapit ng Pinay na si Julleebee Ranara na karumal dumal na pinaslang sa Kuwait.
Sa resolusyon ay tinukoy ni Magsino ang datus ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa 25 ang bilateral labor agreements ng bansa sa mga country of destinations na kinabibilangan ng Kuwait, Qatar, United Arab Emirates, Italy, at iba pa.
Pero ayon kay Magsino, walang anumang kasunduan ang Pilipinas sa mga bansang gaya ng Singapore, Hong Kong, Malaysia, Brunei, at Oman kung saan marami ding Pilipino.