Naging produktibo ang bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Malaysian Prime Minister Dato’ Seri Anwar Ibrahim kung saan nagkasundo sila na isulong ang seguridad, kalakalan at pamumuhunan.
Ayon kay Pangulong Marcos, kapwa nila hinangad na higit pang mapabuti ang relasyon Pilipinas at Malaysia habang tinatahak ang daan pagbalik sa normal mula sa pandemya.
Binanggit ni PBBM na sa pagpapasigla ng ekonomiya ay sumang-ayon silang tutukan ang halal industry, agrikultura, food security, at digital economy, gayundin ang kahalagahan na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Binanggit ni PBBM na kapwa nila pinupuri ni Prime Minister Ibrahim ang progreso tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kung saan malaki ang kontribusyon ng Malaysia.
Iginiit naman ni Prime Minister Ibrahim na kailangang maging matagumpay ang peace process sa Mindanao para sa kapakanan ng mamamayan, dahil bilang kalapit na bansa o kapitbahay ay apektado rin sila kung may kaguluhan sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Tiniyak din Ibrahim ang patuloy na suporta sa Pilipinas sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, turismo at kultura.