Natapos na kahapon ang tatlong araw na bilateral training kaugnay sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) at Search and Rescue (SAR) Execution sa pagitan ng Philippine Air Force (PAF) at Japan Air Self Defense Force (JASDF).
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Maynard Mariano, nagsimula ang bilateral meeting noong June 21.
Ito aniya ay isinagawa sa Clark Air Base, sa Mabalacat City, Pampanga; Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB), sa Capas, Tarlac; at Wallace Air Station sa San Fernando, La Union.
Mahigit tatlong daang tauhan ng PAF ang sumali sa training habang sa panig ng Japan Force ay umabot ito ng 16.
Ginagawa ang bilateral training na ito sa bansa batay na rin sa Implementing Arrangement (IA) for Deepening Cooperation Between the Philippine Air Force and the Japan Air Self-Defense Force na pinirmahan noong June 4, 2019.
Layunin nitong mas lalo pang mapalakas ang kapabilidad nang dalawang pwersa.