Kukumpiskahin na rin ng mga opisyal ng Philippine Military Academy ang anumang kagamitan ng mga kadete sa akademya na maaaring gamitin sa maltreatment.
Katulad ito ng ginagawang pangungumpiska ng mga gwardya ng New Bilibid Prison sa mga Cellphone ng mga inmates.
Ayon Kay AFP chief of Staff Gen. Noel Clement, dati nang nagpapatupad ang PMA ng tinatawag na “showdown inspection” para sa mga kagamitan na maaaring magamit sa pananakit.
Pero sa pagkakataong ito ay oobligahin na ang mga kadete na isuko na ang mga ito.
Ginawa ni AFP Chief ang pahayag matapos ang ulat na isang “taser” ang ginamit umano sa pangunguryente kay Cadet 4th Class Darwin Dormitoryo na namatay dahil sa maltreatment.
Bagamat hindi kinumpirma ni Lt. Gen. Clement kung “taser” nga ang ginamit, giit nito na hindi standard issue equipment ang “taser” sa mga kadete.
Una na ring ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasailalim ng mga plebo sa physical examination para malaman kung may iba pang mga biktima ng “maltreatment”.