Siniguro ng pamahalaan na malaki ang ibibilis ng internet speed sa 2023.
Ayon kay Department of Information and Communication Technology (DICT) Spokesperson Anna Mae Lamentillo dahil ito sa pagsisimula ng operasyon ng Luzon Bypass Infrastructure Project o LBIP na magdaragdag sa internet capacity ng limampung ulit o times 50.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Lamentillo na mula sa 40 thousand mega bits per second o MBPS, magiging 2 million MBPS na ito sa susunod na taon.
Ang LBIP ay ang 240-kilometer fiber line na kokonekta sa government-owned cable landing stations sa Baler, Aurora at sa Poro Point, La Union na may repeater stations na nasa 50-km intervals.
Samantala sinabi pa ni Lamentillo na mas palalakasin din ng gobyerno ang Broadband ng Masa program ng Marcos administration na dito ay alok ang libreng wi-fi.
Sa ngayon ayon sa DICT official ay nasa 4,757 na mga site ang may libreng wi-fi na nasa 75 mga lalawigan at 606 na munisipalidad sa buong bansa kabilang na ang Basilan, Sulu, Tawi-tawi at Pag-asa Island.