Ikinatuwa ng principal authors ng Safe Spaces Act nang naipasa na bilang batas ang bill na nakatakdang panagutin ang mahuling nagca-catcall at kahit anong uri ng sexual harassment.
Sa official Facebook page ni Senator Risa Hontiveros, isa sa mga principal author ng Safe Streets, Workplaces and Public Spaces Act, inihatid nito ang magandang balita.
Inilarawan ito ng senador bilang isang malaking tagumpay laban aniya sa “growing bastos culture” sa bansa.
“This law is a landmark victory against bastos culture. Goodbye, catcallers!”
“Now, women and LGBTs have a strong policy instrument to protect us from gender-based street harassment. With this law, we will reclaim our streets from sexual harassers and gender bigots and make public spaces safe for all,” ani Hontiveros sa isang pahayag.
Sa ilalim ng final version ng bill, papatawan ng multang P1,000 at 12 oras na community service ang pagmumura, wolf-whistling, catcalling, at mga nagbabanggit ng misogynistic, transphobic, homophobic at sexist na pang-iinsulto.
Bukod dito, padadaluhin din ang akusado sa isang gender sensitivity seminar.
Para sa mga second time offender naman, pagmumultahin ng P3,000 o kaya’y makukulong nang anim hanggang 10 araw, habang 11 hanggang 30 araw at multang P10,000 naman para sa mga third time offenders.
Maaaring i-report ng biktima ang insidente sa pulis o kahit sinong public safety officer na puwedeng agad makapagbigay ng violation ticket.