Iminungkahi ni Senator Joel Villanueva na gamitin ang hindi pa nagagastos na mahigit ₱19.4 bilyon na calamity fund ng taong 2020 at 2021 upang masimulan ang paggawa sa mga bahagi ng Philippine General Hospital (PGH) na nasunog nitong Linggo ng madaling araw.
Giit ni Villnueva, dapat i-tratong parang ER case ang nangyari sa PGH at lapatan ng agarang lunas.
Ayon kay Villanueva, double calamity ang nangyari sa mga pasyente ng PGH kaya mahalagang masimulan ang pag-repair nito dahil libo-libong tao ang umaasa sa kanilang kalinga at aruga.
Ikinalungkot ni Villanueva na dahil dito, bawas na ang kakayahan ng PGH na tumanggap ng mga bagong pasyente, kung saan kulang na nga sila sa bed capacity, ay lalo pang nabawasan kaya paano na ang may mga may COVID-19 o may kanser na mga pasyente.
Paliwanag pa ni Villanueva, kahit may insurance ang PGH laban sa mga sakuna, ay maaaring hindi ito sapat sa pagpapagawa ng mga nasira ng sunog.