Cauayan City, Isabela- Pumalo sa bilyong piso ang iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura ng mga nagdaang kalamidad sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay matapos ipresenta ang datos ng Provincial Agriculture Office sa naganap na Agriculture and Rehabilitation Meeting.
Ayon kay Provincial Agriculturist Marites Frogoso, tinatayang nasa 153,571.91 metric tons o 73,151.79 ektarya ng pananim na palay ang napinsala habang naapektuhan nito ang nasa 60,577 magsasaka sa 32 bayan at siyudad.
Nakaranas rin ng pinsala sa pananim na mais o 1,434 ektarya at katumbas ng 11,706.48 metric tons na maisan ang nasira habang 4,652 magsasaka sa 28 munisipalidad ang apektado nito at umabot sa kabuaang halaga na P212,823,508.06.
Bukod dito, mahigit P61 milyon ang kabuuang pinsala sa mga palaisdaan sa lalawigan o 190 ektarya ang naapektuhan kabilang ang 961 na mangingisda.
Napinsala rin ang anim (6) na yunit ng Solar Powered Irrigation System (SPIS) na may kabuuang halaga na P2,445,594,389.79.
Sa kabuuan, umabot na sa higit P4 bilyon ang pinsala sa sector ng agrikultura sa Isabela.
Samantala, nakatakda namang mamahagi ang Philippine Center for Post-Harvest Development and Mechanization (PhilMech) ng 145 na makinarya sa sakahan sa November 26 sa Isabela Sports Complex.