Suportado ng isang bilyonaryo sa Indonesia ang ilang programa ng Marcos administration patungkol sa social welfare, healthcare at low cost housing.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, nangako ang bilyonaryong negosyante na si Dato Sri Tahir sa Marcos administration na tutulong ito sa pagpapahusay sa buhay ng mga Pilipino.
Kaya naman nag-donate ito ng isang milyong Singaporean dollar para sa social work at low-cost housing o katumbas ng 41.6 milyong piso.
Personal na ibinigay ni Tahir kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang donasyon sa Malakanyang.
Sa kanilang pagkikita, binigyan ng briefing ng pangulo si Tahir kaugnay sa kasalukuyang social programs ng pamahalaan para sa mga bata at nakatatanda, maging sa mga batang nasa lansangan.
Inihayag din ng pangulo kay Tahir ang inisyatibo ng pamahalaan sa pabahay program.
Binigyan diin ng pangulo kay Tahir na nagdudulot ng mas maraming social problem kapag hindi natugunan ang pangangailangan sa bahay ng mga Pilipino at hindi sila nagiging produktibo.
Habang sa panig ni Tahir, sinabi nitong aktibo siya sa pagbibigay ng healthcare support sa mga bansang nasa crisis situation at nakapag-donate na rin aniya sa gobyerno ng Amerika at United Nations High Commissioner for Refugees, Syria at Libya, maging sa Afghanistan at Turkey para sa humanitarian missions.
Nagpahayag rin si Tahir na interesado siyang magtayo ng ospital sa Pilipinas.