Bilyong piso, matitipid kung ipapatupad ang ‘swab-upon-arrival’ policy sa buong bansa

Iminungkahi ni Senator Joel Villanueva na ipatupad sa buong bansa ang “swab-upon-arrival” na polisiya ng Cebu sa mga dumadating sa international airports nito.

 

Ayon kay Villanueva, hindi lamang “sensible” at “science-based” ang patakarang ito, kung hindi matipid din at epektibo sa pag-screen ng mga pasahero sa COVID-19.

 

Giit ni Villanueva, makakatipid ng bilyong piso ang gobyerno sa naturang panuntunan dahil hindi na kailangang manatili ng ilang araw sa mga hotel ang darating sa airports kung agad silang maipapa-test at lalabas na negatibo ang resulta.


 

Tinukoy ni Villanueva na sa patakaran ngayon ay sagot ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang itinakdang 10 araw na quarantine sa hotel ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).

 

Sa isang araw, may 10,000 OFWs ang nasa 114 na mga hotel sa bansa.

 

Magugunitang noong Marso ay nagbabala ang OWWA na mauubos na ang pondo nitong P6.2 bilyon sa loob ng limang buwan lamang dahil sa gastos para sa OFWs.

Facebook Comments