Bilyong pisong inilaan para sa pagbili ng mga armas at kagamitang panggiyera ng pamahalaan, inalmahan

Sinita ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang bilyun-bilyong pisong inilalaan ng gobyerno para sa pagbili ng mga armas at kagamitang panggiyera sa halip na unahin ang ayuda para sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.

Mababatid na ibinulgar ng Anakpawis Partylist na gumastos ang Duterte administration ng $2.43 billion (USD) o katumbas ng P118 billion arms deal sa pagitan ng Estados Unidos.

Puna ni Zarate, mukhang mas handa ang gobyerno na gastusan ang mga armas pero nananatili namang bingi sa napakahalagang “Bayanihan 3” o ayuda measure para sa taumbayan.


Kung si Zarate ang tatanungin, kung gagamitin ang pondong ito sa Bayanihan 3, mas maraming Pilipino ang mabebenepisyuhan at malaki ang maiaambag nito sa pagbangon muli ng ekonomiya.

Sa P118 billion ay mapopondohan na ang higit sa kalahati ng P216 billion na P2,000 ayuda para sa lahat ng mga Pilipino.

Sa huli ay kinalampag ni Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag na ng special session para tuluyang pagtibayin ang Bayanihan 3.

Facebook Comments