Bilyun-bilyong pisong itinapyas sa mga retirado at OFWs, sinita ng isang senador

Sinita ni Senator Imee Marcos ang bilyun-bilyong pisong itinapyas sa pondo para sa mga mahahalagang programa sa mga pensioners at Overseas Filipino Workers (OFWs) habang nabigyan naman ng pondo sa 2024 ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP.

Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act, ang Pension and Gratuity Fund na may alokasyong P253 billion sa National Expenditure Program ay bumaba sa P143 billion, tinapyasan naman ng P5.4 billion ang budget ng Department of Migrant Workers mula sa P15.31 billion habang inalis naman ng buo ang nakaprogramang pondo para sa mga foreign-assisted flagship projects ng Department of Public Works and Highways.

Giit ni Sen. Marcos, hindi si Pangulong Bongbong Marcos ang nagpasimula ng programa at wala rin ito sa parehong bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso pero sa pinal na printed version ng pambansang pondo ay naroroon na ang AKAP na may alokasyon na P26.7 billion.


Bukod dito, mayroon pang mahigit P33 billion na unprogrammed funds ang isiningit dito ng Kamara at pagkatapos ay idinagdag ang mga e-signature ng mga senador.

Aniya, labu-labong P60 billion na ang inilaan sa AKAP at hindi naman malaman kung para sa bigas, trabaho o ayuda ang nasabing pondo.

Facebook Comments