Iminungkahi ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa pamahalaan na gamitin ang bilyones na “savings” nito para sa dagdag na ayuda sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.
Ang rekomendasyon ay kasunod ng panawagan ni Finance Secretary Sonny Dominguez sa Kongreso at sa Department of Finance na hanapan ng pondo ang mga panukalang batas para magkaloob ng panibagong ayuda sa mga kababayan at industriyang apektado ng krisis.
Ilan sa mga tinukoy ni Defensor na maaaring paghugutan ng pondo para sa ayuda ay ang savings mula sa P17.8 billion na budget para sa biyahe ng mga opisyal ng gobyerno na hindi na natuloy dahil sa restrictions dulot ng pandemya.
Inirekomenda ng kongresista na magtabi lamang ng maliit na bahagi para sa mga biyahe ng Pangulo at ilang foreign affairs officials habang ang matitira ay ilaan sa tulong pinansyal.
Ilan pa sa mga pwedeng bawasan ay ang P158 billion na pondo para sa supplies and materials; P18.3 billion para sa utilities; P10.6 billion para sa communication expenses; at P26.5 billion para sa hiring o pagkuha ng mga consultant.
Giit ni Defensor, malinaw na maraming items sa national budget ang maaaring tapyasan at ilaan para makatulong sa mga Pilipino at sektor na natamaan ng COVID-19 pandemic.