Bilyung pisong ayuda na galing sa national government para sa mga naapektuhan ng ECQ, natanggap na ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na natanggap na ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mahigit 1.5 bilyong pisong ayuda na inilaan ng pamahalaan para sa apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa patuloy na paglaganap ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Isko, alas-7:33 kagabi nang ma-download sa bank account ng Maynila ang ₱1,523,278,000.00 mula sa national government.

Dahil dito, kaagad na pinulong ng alkalde ang mga opisyal ng lungsod para sa implementasyon ng pamamahagi ng naturang cash assistance ng pamahalaan sa mga apektado ng ECQ.


Tiniyak ni Moreno na magiging maayos at mabilis ang pamamahagi ng nasabing ayuda sa milyun-milyong residente ng Maynila.

Samantala, bukod sa cash assistance ay patuloy ang mass vaccination at food subsidy program ng pamahalaang lungsod sa gitna nang pinaiiral na ECQ sa NCR plus bubble.

Aminado naman si Mayor Isko na masama na ang epekto ng kasalukuyang lockdown sa ekonomiya at hindi maaaring isantabi ang buhay ng mamamayan.

Pero binigyang-pansin din ni Moreno na hindi maaaring magpatupad ng shutdown o lockdown lalo na sa Lungsod ng Maynila kung saan matatagpuan ang mga pantalan.

Sinabi pa ng Alkalde na kapag isinara ang Maynila, lahat ay daranas ng kagutuman dahil ang lungsod ang bagsakan ng mga produkto mula sa Central Luzon, Northern Luzon, Southern Luzon, at iba pang lugar.

Facebook Comments