Isa nang ganap na bagyo ang Low Pressure Area na binabantayan sa bahagi ng Catanduanes.
Ayon sa PAGASA-DOST, huling namataan ang Tropical Depression “Amang” sa layong 495 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa apatnapu’t limang kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong nasa limampu’t limang kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran, hilagang kanluran sa bilis na bente kilometro kada oras.
Sa ngayon, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
Catanduanes
Northern portion ng Eastern Samar
At eastern portion ng Northern Samar
Inaasahang mananatili ang bagyo sa karagatan ng Luzon sa susunod na tatlong araw pero hindi isinasantabi ang pagtama nito sa kalupaan ng Bicol o sa Eastern Samar.
Posible namang humina ang bagyo pagsapit ng Huwebes at maging isa na lamang LPA.
Makakaranas ng mga pag-ulan na may pagbugso ng hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 habang maulap at may tyansa rin ng ulan sa Central Visayas, Caraga, Bicol Region, Eastern Visayas, Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa bagyo.