Manila, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections sa mga nagtatrabaho sa gobyerno na nahayagang nangangampanya para sa isang kandidato.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez – pinapayagan silang magpahayag ng opinyon tungkol sa pulitika pero hindi nila ito maaring gamitin para i-impluwensya ang kanilang subordinates.
Mahigpit ding ipinagbabawal sa mga civil servants ang paggamit ng kanilang mga resources para i-promote ang kanilang personal na opinyon tungkol sa isang kandidato.
Pagdating naman sa mga tarpaulin na may mukha o pagbati sa isang kandidato, makabubuti aniya na dalhin ito sa Civil Service Commission (CSC) dahil sila ang may patakaran tungkol dito.
Ayon kay Jimenez – mahaharap sa reklamo sa CSC ang sinumang lalabag dito.
Kasabay nito, itinuturing din na premature campaigning ng COMELEC maging ang pamimigay ng regalo ngayong pasko ng mga kandidato.
Magsisimula ang election period sa January 13, 2019.
Ang campaign period para sa mga tatakbong senador at party-list group ay magsisimula sa February 12 hanggang May 11, 2019.
Habang ang pangangampanya ng mga kandidatong tatakbo sa mababang kapulungan, regional, provincial, city at municipal post ay magsisimula sa March 30 hanggang May 11, 2019.
Gaganapin ang araw ng election sa May 13, 2019.