BINALAAN | Pwersahang cha-cha, magpapabagsak sa approval rating ng administrasyon

Manila, Philippines – Binalaan ngayon ni Liberal Party o LP President Senator Francis Kiko Pangilinan ang administrasyon na huwag subukan ang pasensya ng mamamayan sa pwersahang charter change.

Giit ni Pangilinan, kapag nangyari ito ay baka lalong bumagsak ang approval rating ng administrasyon at makatikim pa ng talo ang mga kandidato nito sa darating na eleksyon.

Pahayag ito ni Pangilinan makaraang lumabas sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na 67-percent ng mga Pilipino ang tutol sa planong pag-amyenda sa ating saligang batas para bigyang daan ang pederalismo.


Ayon kay Pangilinan, malinaw na para sa karaniwang mamamayan ay hindi lang masama sa panlasa ang cha-cha at pederalismo, dahil hindi rin ito masustansya o nakakabusog, at baka pa may lason ng no-el at term extension.

Paliwanag ni Pangilinan, hindi nakikita ng taumbayan ang kahalagahan ng cha-cha sa gitna ng kanilang araw-araw na laban sa pagtaas ng bilihin, pagbaba ng halaga ng kinikita, trapik at ang patuloy pa ring krimen sa lansangan.

Umaasa naman si Senator Bam Aquino, na uunahin ng administrasyon ang interes ng pamilyang Pilipino, at hindi lang ng mga pulitiko sa pamamagitan ng paghahanap ng solusyon sa mga problema sa bansa.

Facebook Comments