Manila, Philippines – Posibleng binalikan ng dating nakaaway.
Ito ang nakikitang motibo ng mga pulis sa napatay na jail inspector ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) na tinambangan sa Sta.Ana, Maynila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ikinuwento ng testigong si alyas Anthony na kalalabas lamang niya ng bodega sa pinapasukang junk shop bilang helper, nang pumarada sa tapat nila ang hindi nakilalang suspek na naka-helmet sakay ng pulang motorsiklo.
Nang makita ng suspek si jail inspector Jorge Delfin na sakay ng kulay pulang SUV na may plakang PPQ-551 ay lumapit ito saka pinaputukan hanggang maubos ang bala ng isang magazine.
Ayon pa kay Anthony, nang maubos ang isang magazine ay muling nag-reload ang suspek, sumilip sa loob ng sasakyan saka muling niratrat at inubos ang pangalawang magazine.
Nang masigurong patay na ang biktima ay muling ibinaba ng suspek ang salamin ng kanyang helmet at tumawid pabalik sa kanyang motorsiklo sa tapat ng junkshop saka tumakas.
Nabatid na nagkaroon na rin ng insidente ng pananambang sa biktima noong 2012 subalit ito ay nakaligtas.