Manila, Philippines – Iginiit ni Caloocan Rep. Egay Erice na binastos ng Korte Suprema ang Kamara matapos na desisyunan ang quo warranto petition para paalisin bilang Chief Justice ng Supreme Court si Maria Lourdes Sereno.
Giit ni Erice, alam na alam ng Kataas-taasang Hukuman na paglabag sa Konstitusyon ang ginawang desisyon sa quo warranto laban kay Sereno.
Aniya, sinagasaan ng tuluyan ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang impeachable official sa pamamagitan ng impeachment complaint.
Sinabi pa ni Erice na sa kasaysayan ng Korte Suprema, ang desisyon sa quo warranto ang pinakamaling hakbang na ginawa.
Hiniling naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin na agad na isumite ng House Committee on Justice ang report sa impeachment complaint kay Sereno.
Sa ganitong paraan, kapag nagkabotohan sa plenaryo sa impeachment laban kay Sereno, may pag-asa pang mabaligtad ang quo warranto petition dahil ang Kongreso lamang ang may kakayahan na magpatalsik sa isang impeachable official.