BINATA, ARESTADO SA KASONG PHYSICAL INJURY

Cauayan City – Nauwi sa pagsasampa ng kaso ang pagkakasakitan ng dalawang kalalakihan kahapon, ika-18 ng Setyembre sa Albano St. Brgy. District 3, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, ang suspek ay kinilalang si alyas “Bob”, 29 anyos, residente ng nabanggit na Barangay.

Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, una ng nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima noong gabi ng ika-17 ng Setyembre kung saan nag-ugat ito dahil sa paratang ng biktima na ninakaw umano ng suspek ang alaga nitong aso.


Kaagad naman silang inawat ng kanilang mga kapitbahay subalit kinabukasan, muling bumalik ang suspek sa bahay ng biktima upang mag-amok hanggang sa nauwi nga ito sa pisikal na pagtatalo kung saan pinagbabato ng suspek ang biktima na naging dahilan upang magtamo ito ng sugat sa ulo nito.

Dito ay humingi na ng saklolo sa kapulisan ang kanilang mga kapitbahay na nagresulta sa pagkakaaresto ni Alyas “Bob” na ngayon ay mahaharap sa kasong Physical Injury.

Facebook Comments