Binata na Ipinagdiwang ang Kaarawan, Patay sa Pamamaril

74

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang 25-anyos na binata matapos barilin kagabi ng hindi pa matukoy na suspek sa San Mateo, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Jay-r Caballes na residente ng Daramuangan Norte, San Mateo, Isabela.


Batay sa imbestigasyon ng San Mateo Police Station, pauwi na ang biktima kasama ang kanyang kasintahan matapos ang inuman sa bahay ng kanyang lola dahil ipinagdiwang nito ang kanyang kaarawan.

Pero ayon sa kasintahan ng biktima, dumaan sila sa isang iskinita malapit sa irrigation canal kalapit ang sementeryo at nagdesisyong tumambay muna.

Laking gulat ng kasintahan na may dumaan na dalawang katao na kaagad na binaril ng malapitan ang biktima na napuruhan sa kaliwang mata.

Nagawa pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.



Ayon pa sa pagsisiyasat ng pulisya, wala umanong kaaway ang biktima kaya’t palaisipan pa rin ang dahilan ng pagpatay sa kanya.

Samantala, batay sa pakikipag-usap ng pulisya sa kasintahan ay makikilala umano niya ang mga suspek kapag nakita niya ito.


Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.

Facebook Comments