Binata na Pinagbintangan na Nagnakaw ng 40 piraso ng ‘Pato’, Nagbigti

Cauayan City, Isabela- Nagpakamatay umano ang isang binata dahil sa labis na kahihiyan matapos pagbintangan na nagnakaw ng mga alagang hayop gaya ng pato sa Kasibu, Nueva Vizcaya kahapon, June 30,2021.

Batay sa ulat ng PNP Kasibu, natagpuan sa loob ng kanilang bahay na isang malamig na bangkay ang biktimang si Renato Lomboy, 38-anyos at residente ng nasabing lugar.

Dakong alas-3:45 ng hapon ng madiskubre ng kapatid ng biktima na si Marissa Flores ang wala ng buhay na katawan nito na nakabitin sa kisame partikular sa kanilang kusina gamit ang lubid na tinatayang nasa anim na metro ang haba.


Ayon pa sa imbestigasyon, dinibdib umano ng biktima ang bintang sa kanya na nagnakaw di umano ito ng 40 piraso ng pato hanggang sa umabot ang usapin sa kanilang barangay.

Samantala, tumanggi naman ang pamilya ng biktima na isailalim sa autopsy ang bangkay ng kanilang kaanak dahil kumbinsido umano sila na pagpapatiwakal ang nangyari sa biktima.

Facebook Comments