Binata na Pinaniniwalaang Nalunod, Pinaghahanap

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang ginagawang search and retrieval operation ng mga otoridad sa isang lalaki na pinaniniwalaang nalunod sa ilog Cagayan sa bahagi ng Brgy. Capellan, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Arvin Resurrecion, 23 taong gulang, walang asawa at residente ng Brgy. Quimalabasa sa Lungsod ng Ilagan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Ilagan City Police Station, dakong alas 5:00 ng hapon noong December 26, 2020, nagtungo sa ilog ang biktima kasama ang iba pang mga kamag-anak upang mag-picnic at habang sila ay tumatawid sa ilog ay tinangay ng tubig ang isang pinsan na babae.


Agad namang tumalon sa ilog ang biktima kasama ang iba pang mga pinsan upang sagipin ang kamag-anak na babae ngunit kalauna’y hindi na nakita si Resurrecion.

Ayon naman sa pinsan ng biktima na si Freddie Herrera, nagpapatuloy pa rin ngayon ang kanilang ginagawang paghahanap sa nawawalang pinsan kasama ang mga opisyal ng barangay at ilang kasapi ng *City Disaster Risk Reduction Management Office* (CDRRMO) ng Ilagan.

Nananawagan naman ang pamilya ng biktima na agad ipagbigay alam sa kapulisan o sa mga kinauukulan kung sakaling makita ang nawawala nilang kaanak.

Facebook Comments