BINATA, PATAY MATAPOS BUMANGGA SA KALABAW

Cauayan City – Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga sa nakawalang kalabaw ang sinasakyan nitong motorsiklo sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Police Corporal Julieto Mora ng PNP Amulung, hindi na nila naabutan pa ang biktima sa pinangyarihan ng insidente dahil kaagad itong dinala sa pagamutan matapos magtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan dulot ng pagkakabangga sa hayop.

Nadatnan na lamang nila sa lugar ang motorsiklo ng biktima na may bakas pa ng balahibo ng kalabaw at nang kanilang siyasatin ang paligid, tumambad sa kanila ang sugatang kalabaw na siyang nabangga ng biktima.


Ayon kay PCPL Mora, madalas na makapagtala ng aksidente sa bahaging iyon ng daan dahil sa madilim na paligid subalit sinabi nito na ito ang unang beses na may naaksidente dahil sa mga nakawalang alagang hayop.

Sinabi rin ni PCPL Mora na sa ngayon ay hindi pa nagkakaroon ng pormal pag-uusap sa pagitan ng pamilya ng biktima at sa may-ari ng alagang hayop.

Facebook Comments