Binata, Patay Matapos Malunod sa Ilog sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Patay na nang marekober ang isang binatilyo matapos itong malunod sa Pinacanauan river na sakop ng barangay Larion Alto, Tuguegarao City, Cagayan ngayong araw ng Linggo, Oktubre 31, 2021.

Nagtulungan ang tropa ng PNP Tuguegarao City at Phil. Coast Guard upang respondehan ang natanggap na tawag mula sa ilang mamamayan kaugnay sa pagkakalunod ng biktimang si Kurt Adriel Lacambra, 16 taong gulang at residente ng Brgy. Libag Norte, Tuguegarao City.

Sa pagtugon ng mga otoridad sa ilog Pinacanauan, nahanap ang katawan ng biktima na palutang-lutang sa pampang ng ilog at wala na itong buhay.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, napagkasunduan umano ng magkakaibigan ng biktima na magtungo sa nasabing ilog kahapon upang maglangoy at maligo.

Pero sa kasamaang palad, napunta sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima na dahilan ng kanyang agarang pagkalunod.

Dinala na rin sa pamilya ang labi ng biktima.

Facebook Comments