Binata, Patay sa Salpukan ng Motorsiklo at Sasakyan!

*Tumauini, Isabela-* Hindi na umabot ng buhay ang isang lalaki matapos na sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na Truck bandang 9:30 kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Arcon, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang biktima at driver ng Motorstar na may plakang BF50269 na si Romil Claine Urbano, 21 anyos, binata, residente ng Brgy. Villa Gonzaga, Santiago City habang nakilala naman ang suspek at driver ng Fuso Fighter Close Van na si Joey Dohilag, 44 anyos, may asawa at residente ng Real St., Almanza, Las Pinas City.

Sa inisyal na impormasyon na nakuha ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas ng biktima ang lansangan patungong North Direction at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bumaybay ito sa kabilang linya na binabagtas naman ng kasalubong na sasakyan na nagresulta sa kanilang banggaan.


Sa tindi ng salpukan, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima na isinugod pa ng mga concerned citizen sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.

Dinala naman sa himpilan ng PNP Tumauini ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon.

Facebook Comments